KUMATOK KA SA DAMPA KO
Kailan ma't ikaw'y aking
makasama nang malaon,
nakatulong sa layuni't sa dalita'y nakatulong,
kaibigan kitang lagi
kahit saan mapatapon,
sumilong ka sa dampa ko kung ibig mong makisilong.
Kung sakaling naghirap ka
ay kumatok at tumawag,
at hindi ko makikita iyang iyong paghihirap;
ang aking gugunitai'y
ang panahong nakalipas
noong ikaw ay sagana, maligaya at mapalad.
Kung ikaw ma'y pumangit na,
sa pinto ko ay lumapit
at hindi ko mapapansing ikaw ngayo'y lubhang pangit;
ang dati mong kagandahan
ay siya kong maiisip
at di kita hahamakin sa palad mong sinapit.
Kung ikaw man ay sumama,
magtuloy ka sa dampa ko,
maingat kang itatago sa pula ng mga tao;
nagbabago ang panaho't
ang buhay ay nagbabago,
nguni't ako ay ako ring karamay mo at katoto.
Huwag akong tawagin mong
kaibigan, kaibigan,
kung sa iyong pagkasawi ay hindi ka malapitan,
dami nating nakasamang
tulad ng langaylangayan,
lumilipad sa malayo sa oras ng kagipitan.
Kumatok ka sa dampa ko
kung ang gabi ay malalim,
kung ang utos ay malakas at ang hangi'y umaangil;
tumuloy ka sa puso ko't
tatanggapin nang magiliw,
kung iwan ka ng daigdig, ako'y nasa iyong piling!
Subscribe to:
Posts (Atom)
No comments:
Post a Comment